Tuesday, January 24, 2006

abandonado

ito na ang huling linggo na masusulyapan kita nang malapitan.

akala ko maganda ang pasok ng taon sa akin, dahil andito ka na.
pero mukhang mapagbiro ang tadhana -- ako naman ang lilisan.
sa mga nalalabing sandali, hindi ko alam kung bakit nalulungkot ako.
hindi lang siguro ako umasang ganito kabilis ang panandaliang ligayang ito.

ngunit, hindi rin naman ito ang unang beses na tayo'y magkakalayo.
tandang-tanda ko pa nga ang gabing iyon na nakita kong isinisilid mo ang mga gamit mo sa mga kahon.
tahimik akong nagmamasid at sa loob ko'y hinayang na hinayang ako. sa kung ano sana ang maaring nangyari.
kung nagtagal pa ba tayo rito, makukuha mo pa bang umalis nang ganyan ganyan lamang?
nang walang paalam. nang walang patumanggi.
sadyang hindi ata tayo tinadhana. pilit tayong pinaghihiwalay ng pagkakataon.

pero hindi ka rin pala lumayo.
andiyan ka lang pala sa tabi-tabi.
lumukso ang dugo ko nang muli, nakasalubong kita sa aking paglalakad.
ngunit, wala kang imik na lilingon at iyuyuko ang ulo, na parang hangin lang akong dumaan sa tabi mo.
pero ang mga payak at walang pag-asang sandaling tulad nito ay sapat na para mabuo ang araw ko.

patuloy akong nanabik sa'yo.
sa bawat munting engkwentrong hindi tayo nagpapansinan.
na hindi natin binibigkas ang pangalan ng bawat isa.
sa tuwing magtatama ang ating paningin, na biglang ibabaling na lamang sa kung anumang nasa paligid.
nagtutumalon ang diwa kong kahit panandali, nakakasama kita.

droga kang kina-adikan ko na.
paminsan-minsang hinanap-hanap kita. isang bisyong mahirap nang alisin.
lumipas ang panahong tinuruan ko ang sariling masanay na wala ka.

ngunit isang araw, sa silid na ito, nakita kitang muli.
nagbalik ka... at mula noon ulit, bumalik saya ang mundo ko.
bumalik sa'yo ang mundo ko.
ang bawat araw ay di buo kung di ka namamasdan.
nilulunod ako sa isang baso ng ligaya ng mga patagong sulyap sa'yo.
ng bawat ngiti at ngisi na hindi mo maikubli.
balik na naman tayo sa dati.

at oo. ang mga araw na naririto ka...
ang ilan sa pinakamasasayang araw ng buhay ko.

pero sabi nga nila, laging aabutin ng wakas ang bawat bagay.
kakailanganin ko nang lumisan.
at sa pagtungo ko roon, tuluyan bang dapat na rin kitang kalimutan?
ang paalam bang ito'y dapat nang magpakailanman?
babalik na naman ako sa mga araw na wala ka upang magbigay-ngiti sa aking mga labi.
sumisiklo na lang ata ang pag-iwan at pag-iisa. mapaglaro ang mga bituin.
hindi na rin ata ako dapat pang umasa.
pero hindi ko alam kung kakayanin ko nang wala ka.

sa gabing ito, aalis akong hindi mo papansinin.
hindi mo pa rin batid na may isang pusong lumulukso sa bawat sulyap sa'yo.
hindi mo pa dinig ang bawat matatamis na salitang matagal nang kipkip.
nagkukubli na lang ako sa dilim ng silid.
kakaway sa'yo at maglalaro sa anino mo.
dahil hanggang ngayon..

di mo pa rin ako kilala, mahal.

Comments:
oh my god..ang lungkot nia...pwedeng bang umiyak...so sad sia...
 
you're back!!!

masaya ko kasi nagsulat ka na ulit ng tula.. pero nalulungkot ako dahil dama ko ang paghihirap mo. :(
 
ria. tula? saan?
simple post lang yun. mukha palang tula. ahihii.

beah, malungkot ba?
baka ikaw lang.
 
mahal na mahal mo nga sya tsk...tsk... sana man lng ganun dn sya syo
 
siguro nga ako lang nalulungkot kasi wala na akong tutuksuhin...ahihihihi...

but then sad pa rin sia..yun lang masasabi..kahit pagbabaligtarin mo pa rin yan..sad pa rin sia....
 
ang lungkot po...
 
sad ba? wahahhaa.
natatawa naman ako sa mga comments ninyo. ahihii.
 
Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]





<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

Subscribe to Posts [Atom]